10 miyembro ng budol-budol gang arestado sa Makati City

(Eagle News) — Arestado ang sampung katao na pawang mga miyembro ng budol-budol gang sa isang mall sa Makati City.

Nadiskubre ng guwardiya ng isang mall sa Makati ang kanilang modus at nakita mismo sa kanilang sasakyan ang napakaraming pera, gadgets, alahas, bags, cards at iba pang kagamitan.

Naitimbre kaagad ang mga suspek matapos na magreklamo ang nasalisihang senior citizen kung saan nakuha ang higit dalawang daang libong piso.

Kaagad na napasugod sa Makati City police ang mga nabiktima ng mga suspek ng makilala ang mga ito at mamukaan ng kanilang mga nabiktima.

Ayon sa Makati City police, posibleng miyembro ang mga ito ng isang malaking sindikato na pawang nananalisi sa iba’t ibang lugar.

Ang modus ng mga suspek ay kunwari pera ang nakabalot sa isang papel pero kapag nakuha na ng mga ito ang target nila sa mga biktima lalo na sa mga senior citizen dito na madidiskubre na hindi pera kundi mga papel pala ang makukuha ng mga ito.