Signal No.1 itinaas sa 9 na lugar dahil sa bagyong Amang

Photo courtesy of http://bagong.pagasa.dost.gov.ph/

(Eagle News) — Nagbago ang direksyon ng bagyong Amang at ngayon ay patungo na sa Leyte-Samar area.

Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services (PAGASA), huling namataan ang bagyo sa bisinidad ng Giwan, Eastern Samar.

Nakataas ang Storm Signal Number 1 sa Eastern Samar, Samar, Biliran, Leyte, Southern Leyte, Eastern Bohol, Northern Cebu, Surigao Del Norte at Dinagat Islands.

Taglay ng bagyo ang lakas ng hanging aabot sa 45 kilometers per hour at pagbugsong aabot sa 60 kilometers per hour.

Kumikilos ang bagyo sa bilis na 10 kilometers per hour sa direksyong northwest.

Ayon sa PAGASA, sa susunod na dalawampu’t apat (24) na oras ay hihina ang bagyo at magiging isang low pressure area (LPA) na lamang.

Gayunman, hindi pa rin ito dapat ipagwalang-bahala ng publiko lalo na ang mga lugar na nakararanas ng malakas na pag-ulan.

Aasahan pa rin ang malakas na buhos ng ulan sa Eastern Visayas, Central Visayas at Bicol Region.

Habang bukas, mararanasan ang malakas na buhos ng ulan sa Eastern Visayas, Catanduanes, Albay, Sorsogon at Masbate.