Prelim probe ng DOJ ukol sa kontrobersyal na dengvaxia vaccine, tatapusin na

Ni Erwin Temperante
Eagle News Service

(Eagle News) — Tatapusin na ng Department of Justice (DOJ) ang preliminary investigation nito kaugnay sa maanomalyang dengvaxia vaccine kung saan maraming buhay ng bata ang nawala.

Nitong Lunes, Oktubre 1 pinanumpaan ng mga kaanak ng unang siyam na kaso ng pagkamatay ng mga bata dahil sa dengue vaccine ang kani-kanilang rejoinder kaugnay sa kanilang reklamo laban kay dating health secretary Janeth Garin at mga opisyal ng Department of Health (DOH), Food and Drug Administration (FDA) maging sa mga opisyal ng Sanofi Pasteur ang manufacturer ng naturang bakuna at ang lokal na distributor nito na Zuellig Pharma.

Isa sa bagong argumento ng Public Attorney’s Office ang nakuha nilang impormasyon sa ginawang pag- amin ng Sanofi sa DOH noong Dec. 22, 2015 na maaaring makamatay ang dengvaxia vaccine subalit ipinagpatuloy pa rin ang pagbabakuna nito sa mga bata.

Ang mga pagdurugo aniya ng utak, pamamaga ng mga internal organ ng mga namatay dahil sa naturang bakuna at siya namang nakikita ng PAO forensic team sa kanilang ginagawang autopsy sa mga labi ng mga nabakunahang bata. Una nang idineklara ng Sanofi ang maaaring mangyari batay narin sa kanilang pag aamin sa DOH.

Mga responsable sa pangyayari, nais papanagutin

Nais ngayon ng kaaanak ng mga biktima na pagbayaran ng mga responsable ang mga pangyayari sa mga biktima na nauwi sa kamatayan.

Mahigit sa sampung kaso ng dengvaxia ang inihahanda ng pao bilang karagdagang reklamo laban sa mga dating opisyal at kasalukuyang opisyal ng DOH at maging sa pamunuan ng Sanofi Pasteur at Zuellig Pharma.

Sa kasalukuyan nasa siyamnapu’t dalawa na ang isinailalim ng autopsy ng PAO forensic team sa pangunguna ni Dr. Erwin Erfe.

Bagamat ayaw pangunahan ng ni Atty. Acosta ang DOJ panel naniniwala aniya ito na maliwanag pa sa sikat ng araw ang tatag ng kanilang mga ebidensiya.

Umaasa naman ang pao na maging ang Korte Suprema pakikinggan ang kanilang kahilingan sa usapin ng pagpapabilis ng pagbibigay ng hustisya sa mga kaanak ng biktima.

Sa kasalukuyang labim-pitong reklamo ang nakahain ngayon laban kay dating health Sec. Janet Garin at sa iba pang respondents kaugnay sa reklamong kriminal na reckless imprudence resulting in homicide, paglabag sa Anti-Torture Act at paglabag sa Consumer Act of the Philippines ang kinakaharap ng mga respondents.