PNP nakahandang arestuhin si Cong. Imelda Marcos – Albayalde

(Eagle News) — Idinepensa ni Philippine National Police (PNP) Chief Oscar Albayalde ang tila pagiging malambot ng PNP sa nakatakdang pag-aresto kay dating First Lady Imelda Marcos na hinatulang guilty ng Sandiganbayan sa pitong kaso ng graft.

Ikinukumpara kasi ito sa pagiging agresibo ng PNP sa pag-aresto kay Senador Antonio Trillanes IV noong Oktubre.

Ayon kay Albayalde, ikinokonsidera nila ang pagiging babae, may edad at ang kalusugan ng dating unang ginang.

“Wala tayong nakikitang magiging problema sa kaniya dahil unang una, may edad na, babae. Just the same we will accord the same respect, just like what we accorded to Senator Trillanes,” ayon kay Albayalde.

Nilinaw din ni Albayalde na hindi pang-aabuso sa kapangyarihan ang ginawa ng PNP-CIDG nang guwardiyahan nito ang Senado kahit wala pang warrant of arrest noon kay Trillanes.

Preemptive measure daw ang ginawa nila habang hinihintay ang warrant of arrest ng senador, at normal naman daw na may mga pulis na bantay sa Senado.

Gayunman, inatasan na raw ni Albayalde ang PNP-CIDG na maghanda sakaling utusan sila ng korte na arestuhin si ginang Marcos. Bukod dito ay, nakahanda na rin aniya ang PNP custodial center.

“I already told the director of CIDG to lead kung talagang kami ang mautusan na mag-aresto sa kanya. It will be the CIDG which will lead the arrest and kung talagang may kautusan ang korte na dito dadalhin sa amin yung facility naman namin is always ready to accommodate the former first lady,” pahayag ng PNP Chief.

Samantala, wala pa rin daw natatanggap na advance coordination ang PNP mula sa Sandiganbayan kaugnay ng posibleng paglabas ng warrant of arrest ng dating first lady. (Eagle News Service Mar Gabriel)