Naitalang firecracker-related injuries, umakyat na sa 24

(Eagle News) — Tumaas pa ang bilang ng mga nabiktima ng paputok habang papalapit ang pagsalubong sa bagong taon.

Sa huling datos ng Department of Health (DOH), dalawampu’t-apat (24) na ang naputukan mula Disyembre 21 hanggang nitong Miyerkules, Disyembre 27.

Sa nasabing bilang, 11 ang nadagdag kung saan apat na katao ang mula sa National Capital Region, tatlo sa Region 6, habang tig-isa sa Calabarzon at Regions 5, 7 at 9.

Nangunguna pa rin ang boga, kwitis, piccolo at triangle na mga ipinagbabawal na klase ng paputok na puminsala sa mga biktima.

Isa namang anim na taong gulang na bata mula sa NCR, ang panibagong biktima ng firecracker ingestion o pagkalunok ng paputok.

Karamihan sa mga biktima ay pawang lalaki na may edad dalawa habang kwarenta’y nuwebe anyos.

Paliwanag ng DOH, mas mababa pa rin ang mga nasabing kaso ng 54 percent kumpara sa bilang ng kaso ng fireworks-related injury na naitala noong 2017.

Gayunman, patuloy pa rin ang paalala ng kagawaran sa publiko na huwag nang gumamit ng paputok upang maging ligtas ang pagsalubong sa 2019. (Eagle News Service Jerold Tagbo)

https://youtu.be/2os9gTc5PJ8