Lalaking walang habas na nagpaputok ng baril, arestado sa Cubao

CUBAO, Quezon City (Eagle News) — Isang lalaki ang arestado matapos ang walang habas na pagpaputok sa New York Street, sa Cubao, Quezon City.

Kinilala ang suspek na si Edmund Barber, 48 taong gulang na residente sa naturang lugar.

Ayon sa hepe ng Quezon City Police District (QCPD) Station 10 na si superintendent Christian dela Cruz, nakatanggap sila ng tawag mula sa Barangay Immaculate Concepcion tungkol sa isang lalaking apat na beses na nagpaputok ng baril.

Ayon sa mga kawani ng barangay, tinamaan ang paa ng isang babae dahil sa pamamaril ni Barber.

Sinabi ni Dela Cruz na maayos naman ang lagay ng biktima at kasalukuyang nagpapagaling sa ospital.
Nahaharap ang suspek sa patung-patong na kasong illegal possession of firearm and ammunition, attempted homicide, frustrated homicide, alarm and scandal, at resisting arrest.