Kumpanya ng pamilya Villar, umatras na sa bidding para maging 3rd telco ng bansa

(Eagle News) — Umatras na sa bidding para sa ikatlong telecommunications player ng bansa ang Streamtech Systems Technologies Incorporated na pag-aari ng pamilya Villar.

Ayon sa pangulo ng kumpanya na si Manuel Paolo Villar, anak nina dating senador Manny Villar at kasalukuyang Senador Cynthia Villar, nagpasya silang huwag nang tumuloy sa bidding at sa halip ay pagtuunan na lamang ng atensyon ang expansion programs at strategies ng kumpanya.

“After extensive discussions by management, Streamtech has decided not to proceed with the current bidding for the third telco and focus on our internal expansion programs and strategies,” pahayag ni Villar.

Magugunitang nilagdaan ng Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11089 na nagbibigay ng prangkisa sa Streamtech na may kapangyarihang magtayo, magkabit, mag operate at mag-maintain ng telecommunications systems sa bansa.