Mga suspect sa pagpatay sa konsehal at anak nito sa Mindoro, arestado

PUERTO GALERA, Oriental Mindoro (Eagle News) — Naaresto sa Oriental Mindoro ang riding in tandem na suspek sa pagpatay sa isang konsehal ng bayan ng Puerto Galera at sa kanyang anak nitong Miyerkules.

Positibong kinilala ng isang witness sina Tirso Manlangit Tito, 39 anyos, at Rogelio Sotto Sto. Tomas, pawang mga residente ng Lipa City, Batangas, na siyang bumaril kay Melchor Arago at sa kanyang anak na si Kenneth sa tapat ng kanilang bahay sa Barangay Small Tabinay.

Ayon kay Police Chief Supt. Imelda Tolentino ng Regional Police Information Office MIMAROPA, ang dalawang suspek ay sakay ng isang puting van patungong Calapan City, Oriental Mindoro nang madakip sa isang checkpoint sa bayan ng San Teodoro.

Dahil na rin ito sa manhunt operation na iniatas ni Police Senior Supt. Christopher Birung, Provincial Director ng Oriental Mindoro Police Provincial Office at Special Investigation Task Group.

Hawak na ngayon ng Puerto Galera Municipal Police Station ang dalawang suspek at kasalukuyang iniimbestigahan ang motibo sa pagpaslang sa mag-ama.

Related Post

This website uses cookies.