(Eagle News) – Pormal nang pinasinayaan ang kauna-unahang Hemodialysis Center ng Philippine Red Cross sa bansa.
Mismong si PRC Chairman at Senator Richard Gordon at Health Secretary Francisco Duque ang nanguna sa pagbubukas ng bagong pasilidad na dating headquarters ng Red Cross.
State of the art ang Red Cross Hemodialysis Center kung saan binubuo ito ng sampung bagong nipro hemodialysis machines at dalawang automated reprocessing machines.
May kakayahan umano ang pasilidad na makapag-accommodate ng mahigit 30 pasyente sa loob ng isang araw.
Sa dialysis center ng Red Cross maaari nang makapag-avail ang mga kapus-palad na walang kakayahan na magpa-dialysis sa ospital.
Ayon kay Sen. Gordon, sa pamamagitan ng sponsorship program ay libre na ang dialysis ng isang indigent patient. Cover ng isang session ng dialysis ang mga kailangang gamot at maging ang ambulance service ng Red Cross. Aabot lamang sa 3,700 pesos ang magagastos ng sponsor sa isang session sa Red Cross Dialysis Center. Habang pwedeng makapag-sponsor ang donor ng mahigit kalahating milyong piso na hemodialysis treatment sa loob ng isang taon.
Hinimok naman ni Sen Gordon ang mga kumpanya at mga may kakayahang indibidwal na makilahok sa kanilang sponsorship program. Ito ay upang mas marami ang matulungan na makapagpa-gamot sa sakit sa kidney.