Tatlong sundalo, isang paramilitary, pinakawalan na ng NPA

(Eagle News) — Sa halip na dalawa ang pawalan, tatlong sundalo at isang miyembro ng paramilitary na bihag ng New People’s Army (NPA) ang pinakawalan ngayong araw ng rebeldeng grupo sa Agusan Del Sur.

Una nang inisyu ng NPA ang release order nina Private First Class Diven Tawide at Private First Class Glenn Austria ng 23rd Infantry Battalion nang ipahayag ng custodial officer ng mga bihag na si “Ka Omar Ibarra” na pawawalan din ng grupo sina Corporal Jawad Awadi at militiaman na si Roy Perez.

Ayon kay Ibarra, seryoso aniya sila sa pagsunod sa proseso ng pagpapalaya sa mga prisoners of war (POW’s).

Kaugnay nito, pinuna naman ni Ibarra ang hindi pagpresenta ng militar sa high-profile NPA commander na si Ricardo Manili alyas “Ka Joker” at mga kasamahan nito na nadakip sa ipinatutupad na checkpoint ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Regional Public Safety Batallion (RPSB)-Caraga sa Agusan del Norte.

Aniya, si Manili sana ang mangunguna sa turnover rites sa POW’s subalit naudlot dahil sa nabanggit na pagkakaaresto sa lugar na sakop pa aniya ng napagkasunduang may Suspension of Military Operation.

Dahil dito, kinuwestyon ni Ibarra ang hustisyang pinaiiral at demokrasyang dapat aniya ay sinusuportahan ng AFP.

Samantala, napag-alamang napalaya ang naturang POW’s sa pagtutulungan ng mga lokal na opisyal, Philippine Ecumenical Peace Platform (PEPP) at Philippine National Police (PNP), AFP at NPA.

Related Post

This website uses cookies.