Mar Gabriel
Eagle News Service
Hawak na ng Quezon City Police District ang suspek sa pagpatay sa mag-asawang 86 anyos sa Novaliches noong Linggo.
Nakilala ang suspek na si Carl Joseph Alarin Bananola, na nasa drug watchlist umano ng Barangay 17 sa Caloocan.
Ayon kay National Capital Region Police Office chief Major Gen. Guillermo Eleazar, naaresto ang suspek sa 4th Avenue sa Maypajo, Caloocan kung saan katatapos lang daw ng suspek na gumamit ng droga.
Naaresto ang suspek sa tulong diumano ng informant na nakakilala sa damit niya na naiwan niya sa crime scene.
Positibo rin umano siyang itinuro at nakilala ng kasambahay ng mga biktima na nagpapagaling pa sa ospital matapos na paluin diumano ng suspek ng tubo sa ulo.
Umamin naman ang suspek sa krimen na nagawa niya raw dahil lulon siya sa droga.
Nabawi sa kanya ang P16000 na pinaniniwalaang bahagi ng P38000 na ninakaw niya sa mga biktima.
Alas dos ng hapon nang matagpuan ang duguan at walang buhay na katawan ng mag-asawang Nicolas at Leonora Austria sa loob ng kanilang bahay habang sugatan naman ang kanilang kasambahay.
Mga ilang minuto bago ang krimen, nakita pa ang suspek na umiikot sa lugar sa footage ng isang closed-circuit television camera.
Ang suspek daw ang nagdedeliver ng itlog sa mga biktima kaya posibleng doon daw ito nagkaroon ng interes na pagnakawan ang mag-asawa.