Sunod-sunod na pagbaba ng presyo ng bigas sa Pangasinan, asahan ayon sa NFA

Kuha ni Nora Dominguez

Ni Nora Dominguez
Eagle News Service

(Eagle News) – Asahan na umano ang sunud-sunod na pagbaba ng presyo ng bigas sa mga darating na mga araw, ayon sa National Food Authority (NFA) Western Pangasinan.

Ayon kay Chona Maramba, assistant manager ng NFA sa lalawigan, nagsimula nitong linggo ang pagbaba ng piso sa kada kilo ng commercial rice sa merkado.

Ngayong araw ay umabot na sa P3 ang ibinaba sa kada kilo ng bigas.

Batay sa price monitoring ng NFA, bumaba na ng piso ang kada kilo ng commercial rice kasunod ng sunud-sunod na pag-ani ng palay ng mga magsasaka sa lalawigan.

Dahil dito, ayon sa NFA ay asahan na ng mamimili ang sunud-sunod na pagbaba ng presyo ng bigas dahil bumaba na rin ang presyo ng palay na nasa P25 na ang kada kilo mula sa dating P27 to P30 na kada kilo ng dried palay.  Habang nasa P22 naman ang wet o bagong ani na palay.

Ayon kay Maramba, hindi pa rin makabili ng palay ang NFA dahil mataas pa ang kuha ng mga private trader.

Ngunit nananatili sa P 17.50 incentives ang presyo ng NFA sa palay ng mga magsasaka.

Nagsisilbi umanong prize stabilizer ang NFA para hindi makapanamantala at hindi minusin ng mga private trader ang palay ng mga magsasaka ayon kay Maramba.

Samantala, mayroon nang 21,246 bags ng NFA rice ngayon na nakaimbak sa bodega ng NFA na nakatakdang idisperse sa mga NFA retail outlet sa Western Pangasinan.

Nasa 100,000 bags din ng NFA rice ang nakaimbak ngayon sa regional office ng ahensya bilang suplay sa nagpapatuloy na dispersal operation sa mga NFA outlet para sa suplay na kaylangan ng mga mamimili na pumipila para sa mas murang presyo ng bigas.

Nananatili naman sa P32 ang kada kilo ng NFA rice sa mga merkado sa lalawigan.

Related Post

This website uses cookies.