MANILA, Philippines (Eagle News) — Kakalampagin ni Senador Leila De Lima ang Committee on Justice and Human Rights sa Senado upang pa-imbestigahan ang naganap na riot sa New Bilibid Prison na ikinamatay ng isang high profile inmate at pananaksak at tangkang pagpatay kay convicted drug trader na si Jaybee Sebastian.
Ayon kay De Lima, sa pagbabalik sesyon sa Enero 16, kakausapin niya si Senador Richard Gordon para ipaki-usap na bigyan pansin ang resolution at agad simulan ang pagdinig.
Paliwanag ni De Lima, siya at si Senador Trillanes ay matagal nang nakapaghain ng nasabing resolution at nai-refer ito sa Committee on Justice.
Pero, pakiramdam ng Senadora, tila hindi prayoridad ng Chairman ng komite ang kanilang resolusyon at hinayaang naka-binbin na lamang hanggang sa mag break ang Kongreso.
Pero ngayong binubuhay aniya ng administrasyon ang isyu kung saan dalawang Senador pa ang idinadawit sa kontrobersyal na riot sa NBP. Panahon na umano para pagtuunan ito ng pansin ng Senado.
Naniniwala ang Senadora na lalabas ang katotohanan kung sino ang tunay na nasa likod ng tangkang pagpaslang kay Jaybee Sebastian kung mauumpisahan ang imbestigasyon sa Senado.