Pimentel, sinabing “politically motivated” ang isinampa laban kay Duterte, 2 pang senador, sa ICC

Ni Meanne Corvera

Eagle News Service

Tinawag na politically motivated ni Senate President Aquilino Pimentel III ang crime against humanity na isinampa laban kay Pangulong Rodrigo Duterte at dalawang senador sa International Criminal Court.

Iginiit ni Pimentel na ang hindi pagkakakumbinse kina Senador Alan Peter Cayetano at Senador Richard Gordon na imbestigahan ang kaso ng umano’y extrajudicial killings ay hindi nangangahulugang pinagtatakpan nila ang pangulo.

“The complainant just showed how weak his complaint is and further weakened it by including people who have no executive function,” aniya.

“When a legislator is not convinced that something happened or is happening, that doesn’t mean he is a party to that happening,” dagdag pa niya.

Ayon kay Pimentel, “nasa sa ICC na iyan kung magpapagamit sila sa domestic politics” sa Pilipinas.

Nauna nang sinabi ng complainant na si Atty. Jude Sabio na dapat umanong managot partikular na si Gordon dahil tinanggihan ng kaniyang komite na imbestigahan pa ang mga alegasyon ng retiradong pulis na si SP03 Arturo Lascanas laban kay Duterte nitong Pebrero.

Ayon kay Gordon, na chair ng committee on justice, malaking insulto umano ang ginawa ni Lascanas sa Senado dahil sa pagbaliktad nito sa mga una na niyang inihayag  sa Senate inquiry noong nakaraang taon.

Noong Oktubre 2016, pinabulaanan ni Lascanas ang mga paratang ni Edgar Matobato na si Duterte ang utak sa mga sinasabing extrajudicial killing  sa Davao sa pamamagitan ng diumano’y Davao Death Squad.

 

Related Post

This website uses cookies.