(Eagle News) — Tiniyak naman ng Malacañang na igagalang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang magiging desisyon ng taong bayan sa Bangsamoro Organic Law (BOL).
Pahayag ito ng Palasyo isang linggo bago ang plebisito sa ilang bahagi ng Mindanao kung raratipikahan o hindi ang BOL.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, tiyak na susunod ang Pangulo anuman ang nais ng publiko na sakop ng naturang batas.
Kung sa tingin aniya ng Pangulo na kailangang ikampanya niya ang ratipikasyon ng BOL ay gagawin niya ito.
“But, ultimately, it will be the people’s call, whether they want it or not. What is important and certain is that the President will abide by whatever the will of the sovereign people in that part of this country is,” ayon kay Panelo.
Ang plebisito para ratipikahan ang bol, na papalit sa Autonomous Region of Muslim Mindandao (ARMM), ay gagawin sa Enero 21.