Dumating na sa Lima, Peru si Pangulong Rodrigo Duterte para kanyang pagdalo sa 24th APEC Leaders’ Summit.
Bandang alas-dose kwarenta y singko ng tanghali oras sa Pilipinas, o kaya alas onse kwarenta y singko ng gabi sa Peru, lumapag ang eroplanong sinakyan ng delegasyon ng Pangulong Duterte.
Una rito, tiniyak ni Pangulong Duterte na susulitin nito ang malaking gastusin sa kanyang biyahe sa Lima, Peru para dumalo sa APEC Leaders Summit.
Sinabi ni Pangulong Duterte na sasamantalahin nito ang bawat oportunidad sa APEC Summit para maisulong ang economic agenda ng Pilipinas sa rehiyon.
Ayon kay Pangulong Duterte, ipapakilala nito ang Pilipinas bilang “open for business” at maisulong ang kapakanan ng mga small, medium enterprises (SMES) sa bansa.
Tatlong bilateral meetings ang nakahanay kay Duterte kabilang sina Russian President Vladimir Putin, China President Xi Jinping at Peruvian President Pedro Pablo Kuczynski.
Kabilang sa official delegation ng pangulo sa kanyang pagdalo sa APEC Leaders Summit sa Peru sina Foreign Affairs Sec.Perfecto Yasay, Finance Sec. Carlos Dominguez, Defense Sec. Delfin Lorenzana, Trade Sec. Ramon Lopez, NEDA Sec. Ernesto Pernia, Communications Sec. Martin Andanar, Security Adviser Hermogenes Esperon at Sen. Alan Peter Cayetano.