(Eagle News) – Posible aniyang mangyari rin sa Pilipinas ang naranasang malakas na lindol sa karatig bansang Indonesia na sinundan pa ng tsunami.
Dahil dito, muling hinikayat ng Philippine Institute Volcanology and Seismoloy (PHIVOLCS) ang mga lokal na pamahalaan na ipatupad ang tsunami preparedness at evacuation planning dahil ang Pilipinas ay binubuo ng mga pulo at isla.
Ayon kay Director Renato Solidum, marami na silang nagawang guide ukol dito at kailangan na lamang ay ipatupad ito sa pangunguna ng Office of Civil Defense.
Bukod dito, nagnamamahagi na din aniya ng mga preparedness materials at awareness ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa local government units at mga barangay.
Kasabay nito, ipinanawagan na rin ni Solidum ang susunod na Nationwide Earthquake Drill sa Nobyembre kung saan ang magiging senaryo ay tsunami.
Sa ating panayam kay Solidum sa Agila Balita Alas Dose, ibinahagi din niya ang mga dapat na gawin na paghahanda kung sakali mang may dumating na mga kalamidad o panganib.
“Pinakaimportanteng aksyon na kailangang gawin sa paghahanda ay una magmonitor, magbantay sa mga posibleng delikadong mangyayari tulad ng bagyo, lindol, pagsabog ng bulkan at tsunami.”
“Pangalawa, alamin yung mga mapanganib na lugar. Kung ang mga bahay ba nila ay nandoon sa mga hazard zone. Available po ang mga hazard map na pwedeng idownload ng local governments sa mga websites ng mga special agencies,” ayon sa opisyal.
“Pangatlo, ay mabigyan ng warning. Itong binibigay na warning na pinararaan sa mga radyo, TV sa mga local government. Itong mga local government, dapat ibaba nila sa mga residente kung hindi pa nila alam,” dagdag pa ni Solidum.
“Pang-apat na pinakaimportante, dahil lahat tayo ay kailangang itong gawin, ako, kayo po at sana lahat ng Pilipino ay maging mabilis sa tamang aksyon. Angkop sa mga warning at information na gagamitin bago, habang o pagkatapos ng isang panganib. Kung tayo ay may mas maagang aksyon dahil sa tamang impormasyon ay wala pong mamamatay,” ayon kay Solidum.