AURORA, Philippines (Eagle News) — Patuloy ang pagpapaigting ng ugnayan ng mga mamamahayag at ng kasundaluhan sa Aurora para sa kapayapaan, pagkakaisa at pagbabalita ng wastong impormasyon.
Sa isinagawang strategic planning para sa isang taong programa, magkatuwang na bumuo ng mga plano ang Kaugnay Media Defense Corps Incorporated (KMDCI) Aurora Chapter at 91st Infantry Sinagtala Battalion.
Isa sa mga kampanya ng KMDCI ngayong taon ang massive recruitment ng Philippine Army Reservists na siyang magiging katuwang ng kasundaluhan sa mga boluntaryong gawaing pangkapayapaan at pagtulong sa mga nangangailangan.
Sinabi ni LTC Jose Mari Torrenueva, Commanding Officer ng 91st IB na malaki ang papel ng mga mamamahayag upang matulungan ang kasundaluhan na mapanatili ang Aurora bilang isa sa pinakamapayapang lalawigan sa bansa.
Gamit naman ang media trends at technological advancement, nakasuporta naman ang grupo ng mga mamahayag sa pagsusulong ng mga adbokasiya laban sa droga, pangkabuhayan, pangangalaga sa kalusugan at kapaligiran at media and information literacy.
Ating nabatid na bagong talaga lamang nitong Enero sa Aurora ang 91st IB matapos nitong palitan ang pamunuan ng 56th IB na ngayon ay nakatalaga na rin sa Mindanao.
(Eagle News Jerry Alcala)