Ginunita ng Iglesia Ni Cristo (INC) ang ika-131 kaarawan ng kapanganakan ng kapatid na Felix Y. Manalo, ang kinikilalang sugo ng Diyos sa mga huling araw at unang naging Tagapamahalang Pangkalahatan ng Iglesia Ni Cristo.
Si kapatid na Felix, gaya ng tawag sa kanya, ang unang nangaral tungkol sa Iglesia Ni Cristo. Bagama’t ang Iglesia ay nagsimula sa abang kalagayan, subali’t dahil sa makapangyarihang pamamahala ng kapatid na Felix Manalo, at sa tulong at patnubay ng Diyos, ay nakarating ito sa nakamamanghang paglaki at isang solidong religious organization.
Si ka Felix ay isinilang noong 1886 sa Barrio Calzada sa Tipaz, Taguig na noon ay sakop pa ng lalawigan ng Rizal.
Ang kaniyang mga magulang ay sina Mariano Ysagun at Bonifacia Manalo.
Ang birth place ni ka Felix sa Barrio Calzada ay iprinoklama bilang National Historical Landmark ng National Historical Commission of the Philippines noong Enero 6, 1986.
Ang mahusay at makapangyarihang pamamahala at mga makabuluhang aral na kaniyang pinasimulan ay patuloy na nagdudulot ng inspirasyon at nagbibigay-gabay sa milyun-milyong kaanib ngayon ng Iglesia Ni Cristo hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa ibat ibang bahagi ng mundo.
Ang pangangaral ng ka Felix at mga pagtatagumpay ng Iglesia Ni Cristo ay itinampok sa historical biographical film na “Felix Manalo”, na nagkamit ng Guinness World Record nitong 2015.
Mula pa noon hanggang ngayon iisa ang laging layunin ng malalakas na pagkilos at aktibidad ng mga miyembro nito. Ito ay ang mabigyan ng kaluwalhatian at kapurihan. Ang dakila at makapangyarihang Diyos.