(Eagle News) — Tinatayang aabutin pa ng kalahating araw ngayong Biyernes, Nobyembre 10, ang pag-aakyat sa mga survivor ng bumagsak na Cessna plane sa Barangay Decoliat, Maria Aurora, Aurora.
Ito ay dahil natigil kagabi ang paglalakbay ng tropa ng 56th Infantry Battalion ng Philippine Army na nagrescue sa dalawang survivor.
Ayon sa pahayag ni Capt. Potpot Aragones, ng 56th IB ng Philippine Army, pansamantala nilang pinatigil ang paglalakbay kagabi dahil matarik ang bundok na kanilang inaakyat, bukod pa sa maputik at madulas ang terrain na kanilang dinaraanan.
Sa taas na mahigit 1,000 ft, at sa layo nito ay kinakailangang maglakad ng anim na oras o higit pa para marating ang lugar kung saan maaaring matagpuan ang bumagsak na eroplano.
Sa ngayon ay inaasahang malapit na sa lugar ang dalawang tropa ng mga sundalo ng 56th IB at umaasa rin ang mga otoridad na makikita na ang dalawang sakay nito ngayong hapon.
Matatandaang nagcrash ang Cessna plane na may number na 152 RPC-1995 sa Sitio Decoliat, Barangay San Juan, sa Maria, Aurora. Sakay ng nasabing eroplano ang piloto, na si Albert Galvan at ang trainee nito na nakilalang si Alexis Trinidad.
Nauna nang napag-alaman na maayos naman ang kalagayan ng piloto na at ng trainee nito na nagtamo lamang ng mga minor injuries, ngunit dahil sa masamang lagay ng panahon ay nahirapan sa pagrescue ang mga otoridad.