Otoridad patuloy na nakaalerto sa mga beach area ngayon bakasyon

Photo by: Nora Dominguez

Ni Nora Dominguez
Eagle News Correspondent

LINGAYEN, Pangasinan (Eagle News) – Kahit na ipinagbabawal na ng owtoridad ang pagpunta sa malalalim na bahagi ng mga beach ay mayroon pa ring mga nasusumpungang nagpupumilit na gumawa nito sa Lingayen beach.

Isang dayo na bakasyunista ang muntik nang malunod dahil pumunta ito sa malalim na bahagi ng Lingayen Beach Front. Mabuti na lamang at mabilis na sumaklolo ang nakabantay na miyembro ng Water Search and Rescue Team kaya nasagip ang babaeng nagtangkang pumunta sa malalim na bahagi ng beach area.

Nagbabala din ang WASAR ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Council (PDRRMC) sa mga beach goer na iwasan ang malalim na bahagi ng beach area at iwasan din ang mga sabang o ang tinatawag na rip current.

Ang rip current ay bahagi ng dagat na mayroong malakas na under water current o ang bahagi ng dagat na walang makikitang alon kundi mga bula lamang.

Samantala, hindi na umabot ng buhay sa pagamutan ang  apat na taong gulang na batang lalaki matapos na malunod sa River Side resort sa Brgy. Turko sa Laoac, Pangasinan.

Ayon sa Laoac-Philippine National Police ang biktima ay taga-Aurora Hill, Baguio City. Naimbita lamang umano ang pamilya ng bata sa isang salu-salo at hindi namalayan ng mga magulang nito na napunta sa swimming pool na pangmatanda ang bata.

Sinubukan pa umano itong iligtas at nadala pa sa pagamutan sa Pozorubio ngunit idineklara rin itong dead on arrival.

Samantala, patay din ang isang 10 taong gulang na babae matapos na malunod sa Cayaoan Falls, Brgy. Camansibgalan, Sual, Pangasinan.

Ayon sa Sual PNP, kasama ng biktima ang kaniyang pamilya na nag-swimming sa Caoayan falls.

Nagkakasiyahan umano ng mapansin nang nawala ang sampung taong gulang na biktima. Nang hindi ito makita ay sumisid na ang kaniyang pamilya at nakuha ito sa ilalim ng tubig. Dinala rin ito sa pagamutan ngunit ideneklara ng doktor na patay na.

Related Post

This website uses cookies.