OSG, tiwalang kakatigang muli ang martial law extension sa Mindanao

(Eagle News) — Tiwala si Solicitor General Jose Calida na papanig muli ang Korte Suprema sa kanila upang tuluyang katigan ang pagpapalawig ng martial law sa Mindanao.

Ito ang paninindigan ng SolGen sa pagsisimula ng oral arguments sa Korte Suprema nitong Martes, Enero 29 tungkol sa mga petisyon na kumokontra sa ekstesyon ng martila law sa Mindanao.

Walang bagong argumento sa halip kapareho lang aniya ng mga naunang batikos ng mga tutol sa batas militar ang inilatag ng apat na grupo na kontra sa pagpapalawig ng batas militar sa Mindanao.

Twin blasts sa Jolo, ipinunto sa SC oral arguments

Isa sa ipupunto aniya ng OSG ang kagaganap lamang na dalawang pagsabog sa isang simbahan sa Jolo, Sulu, kung saan hindi bababa sa dalawampung katao ang namatay at ikinasugat ng mahigit isang daang indibiduwal.

Sagot rin ng OSG sa pinupunang walang factual basis o wala nang nagaganap na rebelyon sa Mindanao, ang anuman aniyang pagkilos ng mga rebelde at teroristang grupo gaya ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters na patuloy ang pag-atake sa Mindanao.

Mga petitioner, hindi tanggap ang paliwanag ng OSG

Pero hindi tanggap ng mga kontra sa martial law extension ang paliwanag ng OSG.

Ayon kay Dating Bayan Muna Rep. Neri Colmenares, nagagawa ng militar at pulis ang lahat ng kanilang operation laban sa mga rebelde at teroristang grupo kahit pa walang martial law.

At kung talagang may banta sa seguridad sa lugar, bakit naisagawa aniya nang mapayapa ang plebisito sa Mindanao kaugnay sa Bangsamoro Organic Law.

Rep. Lagman, kinuwestyon kung bakit sa OSG nagsumite ng report ang AFP at PNP

Tanggap ni Albay Rep Edcel Lagman na isa sa mga tumututol sa extension ng martial law sa Mindanao na mismong mga kasamahan niya sa Kongreso ang pumabor sa pagpapalawig ng batas militar.

Kaya ang kaniyang tanong bakit sa OSG nagsumite ng report ang militar at pulis at hindi ipinakita sa kanila upang pagtibayin aniya ang extention ng batas militar.

Samantala, dumalo sa isinagawang oral arguments sina PNP Chief Director Gen. Oscar Albayalde maging si DILG-OIC Eduardo Año.

Sa ikatlong pagpapalawig ng martial law sa Mindanao mayorya ng Kongreso at Senado ang sumuporta rito. (With a report from Erwin Temperante)

Related Post

This website uses cookies.