Notorious na drug pusher, patay sa drug buy-bust operation ng PDEA sa Valenzuela City

Ni Earlo Bringas
Eagle News Service

VALENZUELA CITY, Metro Manila (Eagle News) – Patay ang isang notorious na drug pusher nang makipagbarilan sa mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) nang makatunog na pulis na pala ang kanyang katransaksyon.

Kinilala ang suspek na si Exequiel Sangco, target ng drug buy bust operation sa St. Jude Street, Malinta, Valenzuela City gabi ng Martes, August 6.

“When he sensed na tropa pala natin yong bumili, eh balak niyang barilin yong ating kasamahan. Dito na nagka engkwentro. So ang ginagawa niyang mudos operandi is to conduct business sa kaniyang tricycle. So, ilang linggo, umabot ng mahigit isang buwan na pagsubaybay sa kaniya. Lahat ng kaniyang costumer, madalas ay sumasakay sa kaniyang tricycle”, pahayag ni Bong Atila, Acting Deputy Regional Director PDEA-NCR.

Si Sangco ay dating pulis na nakadestino sa Valenzuela PNP.

Nagretiro na anila ito noon pero muli itong nakabalik sa serbisyo. Napag-alam din na bukod sa droga ay sangkot din ito sa iba pang uri ng krimen.

Napag-alaman din na kabilang si Sangco sa narcolist ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“So, automatic yan nakalagay sa ating listahan, wanted po yan sa PNP. Pero, hindi po siya tumigil po eh, tuloy-tuloy pa rin yong kaniyang illegal activities”, ayon kay PSSupt. David Poklay, Chief of Police.

Naisugod pa sa ospital si Sangco pero idineklara din itong dead on arrival. Narekober sa suspect ang 30 gramo ng shabu na may market value na nagkakahalaga ng Php 204,000.

 

Related Post

This website uses cookies.