Nasa 100 “designer drugs” maaari nang matukoy dahil sa “state-of-the-art technology” ng bagong drug research lab ng UP Manila

May state-of-the-art technology ang UP DARL upang matukoy ang nasa 100 designer drugs na di pa matukoy ng mga otoridad./Moira Encina/Eagle News/

Moira Encina
Eagle News Service

Pinasinayaan ng University of the Philippines Manila ang bagong drug research laboratory nito na makakatulong sa gobyerno sa laban kontra iligal na droga sa bansa.

Ang UP Drugs Abuse Research Laboratory o UP DARL, na pinondohan ng Commission on Higher Education, ay mayroon diumanong state-of-the-art technology para matukoy ang mga tinatawag na “designer drugs” o mga synthetic o laboratory-made drugs na hindi pa tukoy ng mga otoridad.

Ayon kay CHEd chair Prospero de Vera, bubuo  ang UP DARL ng mga drug testing kits na makakatukoy ng nasa 100 designer drugs na imposibleng gawin sa kasalukuyang teknolohiya na mayroon ang bansa.

Nasa dalawa o apat pa lang na “designer drugs” ang natutukoy ng mga otoridad gamit ang kasalukuyang teknolohiya nila./Moira Encina/Eagle News/

Sa ngayon aniya ay nasa dalawa hanggang apat na designer drugs lang ang kayang tukuyin ng mga otoridad, kung kaya’t nahihirapan sila na magsampa ng kaso at mapanagot ang mga supplier ng mga droga na di pa nila mapatunayang ipinagbabawal na gamot.

Aabutin pa aniya ng dalawang taon bago mailatag ang nga  testing kits para sa 100 designer drugs, pero target ng UP DARL na sa loob ng isang taon ay magkaroon na ng interim testing kits.

“This is a campaign that will continue in the future because we have to catch up to the technology they are using,” pahayag ni De Vera.

 

This website uses cookies.