(Eagle News) — Inanunsyo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na sa Biyernes, Enero 20 ay magpapatupad sila ng bagong zipper lane papuntang southbound ng EDSA.
Magsisimula ang zipper lane sa Edsa-Main Avenue Junction sa Cubao,Quezon City at ang dulo ay sa Edsa-Guadalupe-MRT Ortigas Station.
Isasagawa ito mula alas nueve y medya ng umaga (9:30 AM) hanggang alas once y medya ng umaga (11:30 AM).
Paliwanag ni MMDA General Manager Tim Orbos, lumabas sa kanilang pag-aaral na sa gayong mga oras ay maluwag ang daloy ng mga sasakyan sa northbound ng Edsa.
Paala-ala naman ni Orbos sa mga motorista na habang bukas ang zipper lane ay isasara muna ang u-turn slots sa Edsa-Camp Crame-Santolan at Northbound Flyover Ramp mula Edsa hanggang Ortigas Avenue-Greenhills.