Ni Eden Santos
Eagle News Service
(Eagle News) — Iminungkahi ng isang kongresista ang pagpapataw ng mas mataas pang excise tax rates sa alcoholic beverages sa bansa.
Sa pagdinig ng House Committee on Ways and Means na pinamumunuan ni Nueva Ecija Representative Estrellita Suansing sinabi ni Batangas Representative Lianda Bolilia na marami pa rin ang bilang ng mga pilipino na bumibili at umiinom ng alcoholic beverages sa kabila ng mga naunang ipinataw na mataas na buwis.
Ayon sa kongresista, patunay lang ito na mababa pa rin ang excise tax rates sa Pilipinas kumpara sa ibang mga bansa sa Asya.
Giit pa nito, bagaman nadaragdagan ang kita ng gobyerno sa nakokolektang excise tax mula sa alcoholic beverages ay hindi naman natutugunan ang problema sa kalusugan na isa sa pangunahing layunin ng pagpapataw ng mataas na excise tax rates sa mga nasabing produkto.
Kinumpirma naman ng Action for Economic Reforms na nabawasan ang paggastos sa inuming nakalalasing ng poorest households kumpara sa mga middle income earners.
Batay sa 2015 Family Income and Expenditure survey, ang mahihirap na pamilya ay gumagastos ng 0.4 percent mula sa kanilang total expenditure habang ang middle income earners ay nasa 0.8 percent ang inilalaan para sa alcoholic beverages.
Ayon kay Jo-Ann Diosana ng Action for Economic Reforms, nakatulong pa rin ang matatas na excise tax sa pag-inom ng alcoholic beverages ng ating mga kababayan.
Samantala, tutol pa rin si Surigao Del Sur Representative Johnny Pimentel sa pagpapataw naman ng 5 percent royalty tax sa mining industry.
Aniya sa dami ng mga buwis na binabayaran ng mining industry ay makakabigat sa kanila ang panibagong karagdagang limang porsyentong royalty tax.
Maituturing umanong sunrise industry ang pagmimina subalit baka mauwi ito sa sunset industry kung papatawan sila ng panibagong buwis.