Dumulog muli sa Korte Suprema na umuupo bilang Presidential Electoral Tribunal ang kampo ni dating Senador Bongbong Marcos para malaman ang nilalaman ng mga sinasabing ‘unused’ sd cards nitong 2016 elections.
Sa anim na pahinang manifestation sa PET na inihain ng abogado ni Marcos na si George Garcia, hiniling nila na atasan ng tribunal ang COMELEC na bigyan sila ng kopya ng resulta ng decryption sa mga sinasabing hindi nagamit na sd cards noong halalan.
Nabatid anya sa isinagawang stripping activities ng COMELEC at SMARTMATIC na may nilalamang data ang mga naturang sd cards na nakuha mula sa 1,356 units ng mga contingency vote counting machines.
Iginiit ni Garcia na ang pagkakaroon ng datos ng mga sinasabing unused sd cards ay nagpalakas sa kanilang posisyon na hindi sapat ang pisikal na eksaminasyon sa mga VCMs, sd cards, seals, stickers at mga boxes para mapatunayang hindi nga talaga ito nagamit sa eleksyon.