Isa pang kaso kaugnay sa Dengvaxia, inihain

 

Naghain si Norma Gotoc ng kaso laban sa mga opisyal at dating opisyal ng Department of Health at iba pa nitong Huwebes, ika-24 ng Enero. Ang kaso ay kaugnay sa pagkamatay ng kaniyang anak na si Dr. Kendrick Gotoc diumano pagkatapos siyang mabakunahan ng Dengvaxia./Moira Encina/Eagle News/

Moira Encina
Eagle News Service

Naghain na rin ng reklamo sa Department of Justice ang ina ng doktor na sinasabing namatay matapos mabakunahan ng Dengvaxia.

Kasama ni  Norma Gotoc, ina ni Dr. Kendrick Gotoc, na nagsampa ng kaso si Public Attorney’s Office Chief Persida Acosta na tumatayong abogado ng pamilya.

Ito na ang ika-31 kaso na inihain katulong ang PAO sa DOJ kaugnay sa Dengvaxia controversy.

Pangunahin sa kinasuhan sina Health Secretary Francisco Duque III at dating kalihim ng DOH na si Janette Garin.

Ayon kay Acosta, binakunahan si Dr. Gotoc na 37 anyos ng anti-dengue vaccine noong 2016 nang ito pa ay nasa Quezon City Health Department kahit hindi naman ito estudyante sa public school na kasama sa age group na tuturukan.

Ito ay dahil anya sa inobliga ang mga doktor at non-doctors staff ng QC Health Department na turukan ng Dengvaxia matapos maraming bakuna ang hindi nagamit.

Ikinuwento pa ng kapatid ni Dr. Gotoc na si Cristina na  humingi ng tulong sa DOH ang kanyang kapatid nang ito ay magkasakit pero tumanggi ito na sila ay tulungan.

Kasama rin sa ipinagharap ng reklamo sa DOJ ang mga dati at kasalukuyang opisyal ng DOH, Sanofi Pasteur at Zuellig Pharma.

Sinampahan na rin ng kaso ang mga opisyal ng Philippine Children’s Medical Center na sina Dr. Raymundo Lo at Dr. Sonia Gonzales na itinuturong lumagda sa purchase request para bumili ng Dengvaxia noong 2016.

Mga kasong reckless imprudence resulting in homicide, obstruction of apprehension and prosecution, at mga paglabag sa Anti-Torture Law at Consumer Act ang isinampa laban sa mga respondents.

Related Post

This website uses cookies.