Guwardiya patay sa nangyaring ambush sa Agusan del Norte; bank manager sugatan

Ni Nova Villafañe
Eagle News Service

BUENAVISTA, Agusan del Norte (Eagle News) – Patay ang guwardiya ng isang kilalang bangko habang sugatan naman ang kasama nitong manager sa nangyaring robbery at pag-ambush sa kanilang sinasakyang L300 ng tatlong armadong lalaki.

Nangyari ang pananambang sa Brgy. Agong-ong, Buenavista, Agusan del Norte nitong Lunes, Pebrero 19.

Kinilala ang guwardya na si Nelson Lumanao na idineklarang dead-on-the-spot matapos magtamo ng multiple gunshot wounds habang sugatan naman ang manager nitong si Noriel Barsobia, na nagmamaneho ng L300.

Nagtamo si Barsobia ng ilang tama ng bala sa katawan at kasalukuyan nasa pagamutan.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, papunta ang mga biktima sa lungsod ng Butuannang bigla silang tambangan ng tatlong armadong lalaki at pinaulanan ng bala ang kanilang sasakyan.

Ayon sa mga nakasaksi, matapos paulanan ng bala ng mga suspek ang sasakyan ay dali-dali nilang binuksan ang pintuan nito at kinuha ang isang itim na bag na pinaniniwalaang salapi ang laman.

Bago pa man makarating ang mga kapulisan sa pinangyarihan ng krimen, mabilis ng sumibat ang  mga suspek sakay ang isang motorsiklo.

Kasalukuyan pa rin ang masusing imbestigasyon ng mga otoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek.

Related Post

This website uses cookies.