DOST pinangunahan ang Regional Technology Transfer Day

ORMOC CITY, Leyte (Eagle News) – Isinagawa ang Regional Technology Transfer Day sa Ormoc City Superdome, Ormoc City, Leyte. Pinangunahan ng Department of Science & Technology (DOST) ang nasabing okasyon. Labing-isang (11) mga speaker sa technology showcase ang nagsalita sa nasabing okasyon kung saan ang bawat tagapagsalita ay binigyan ng tigsasampung minuto (10 minutes) upang mai-presinta ang kanilang mga bagong tuklas na technology o kaya’y produkto.

Nagustuhan naman ni Ormoc City Mayor Richard I. Gomez ang bagong tuklas na “STARBOOK” na ipinakilala ni Mr. Richard Burgoz, director ng Science and Technology Information Institute. Ayon kay Mayor Gomez, napakalaking tulong nito sa mga paaralang wala pang silid aklatan (library).

Ang naging keynote speaker sa nasabing okasyon ay si DOST Undersecretary Dr. Rowena Cristina Guevarra. Pagkatapos ng presentation ay isinagawa ang pag-iikot sa iba’t ibang booth na may exhibit ukol sa kanilang mga bagong imbensyon. Libre ding natikman ang mga produktong pagkain.

Sa nasabing aktibidad ay naitalaga si Mayor Richard I. Gomez bilang bagong DOST Ambassador ng Region 8 o Eastern Visayas Region. Nangako naman ang alkalde na sa abot ng kaniyang makakaya ay gagampanan niya ang kaniyang bagong pang-rehiyong pananagutan.

Courtesy: Kimberly Urboda

This website uses cookies.