Dating Pangulong Aquino at ex-budget secretary Abad sinampahan ng kaso dahil sa DAP

By Aily Milyo

(Eagle News) — Nahaharap sa patung-patong na reklamo sa Office of the Ombudsman si dating Pangulong Benigno Aquino at dating Budget and Management secretary Florencio “Butch” Abad.

Kaugnay ito sa pagpapatupad sa  Disbursement Acceleration Program (DAP) na una nang idineklara ng Korte Suprema na  “unconstitutional.”

Inihain ng iba’t-ibang militanteng grupo ang 26 na pahinang technical malversation case laban kina Aquino at Abad.

Bukod sa kaso ng technical malversation, nahaharap din ang dalawang dating opisyal ng kasong graft and corruption at usurpation of legislative powers.

 

 

Ayon kay Bayan Secretary General Renato Reyes, ngayong wala na sa pwesto si Aquino ay dapat na nitong harapin ang kaniyang pananagutan sa isyu ng DAP.

Ang mga isinampa aniya nilang reklamo ay kabilang na rin noon sa impeachment complaint na kanilang inihain sa Kongreso noong 2014 pero hindi nakauusad dahil karamihan sa mga miyembro ng Kamara ay taga-Liberal Party o mga kaalayado ni Aquino.

“Ang strongest argument namin na pananagutan ng Pangulo ay yung approval at release ng pondo. Sa lahat ng memo na kaugnay sa DAP ay may pirma ang pangulo. Ibig sabihin siya ang nag-approve siya ang nagpapa-implement ng DAP so di maaari na exempted siya dun sa pananagutan,” ayon pa kay Reyes.

Una na ring nagsagawa ang Ombudsman ng sariling nitong imbestigasyon sa posibleng pananagutan nina Aquino at Abad.

Pero nilinis naman ng Ombudsman ang pangalan ng dating pangulo sa isyu ng DAP.

Gayunman, sabi ni Bayan Muna Representative Carlos Zarate, noong mga panahong iyon ay may immunity pa si Aquino.

Ngunit hindi naman aniya tahasang sinabi ng Ombudsman na walang pananagutan si Pangulong Aquino.

“Ngayong wala na siyang immunity, sa tingin namin napakalaki ng pananagutan ni Presidente Aquino.  Sa mga dokumentong naka-attach sa aming complaint, kitang-kita, klarung-klaro na may consent si Mr. Aquino sa DAP. In fact, siya mismo ang pumipili (kung) anong proyekto ang papayagan sa DAP,” ayon pa kay Rep. Zarate.

Sinabi niyang ito ay magbubunsod ng panibagong imbestigasyon at titingnan muli ng Ombudsman ang lalim ng pananagutan ni Aquino at Abad.

Kabilang sa mga grupong naghain ng reklamo ay ang  alliance of concerned teachers; bayan muna; courage; volunteers against crime and corruption; juana change movement; kilusang magbubukid ng pilipinas; gabriela; at kalipunan ng damayang mahihirap.

Umaaasa ang mga nasabing grupo na mapapabilis ang proseso at mabibigyan ng karampatang solusyon ang problema sa pork barrel system.

Dapat din anilang maging mensahe ito na kailangan nang tanggalin ang pork barrel sa national budget.

 

Related Post

This website uses cookies.