(Eagle News) — Sasailalim sa walong buwang rekonstruksyon ang Concordia Bridge sa Maynila simula Mayo 1.
Ito ay ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Sinabi ni Frisco San Juan, MMDA Deputy Chairman, magkakaroon ng bahagyang pagsasara ng tulay na nasa President Quirino Avenue dahil kailangan na itong palitan dahil sa “safety issues.”
“Matagal nang dapat ginawa ito,” ani San Juan.
Ang southbound lane ng tulay ang mauunang isasara para sa pagsasagawa ng northbound lane.
Ang Concordia Bridge ay may kabuuang anim na lane.
Ang tatlong matitirang lane ay paghahatian ng mga sasakyang papunta sa northbound at southbound habang ginagawa ang tulay.
Sa koordinasyon ng Department of Public Works and Highways (DPWH), sinabi ng opisyal ng MMDA na ang pagsasaayos ng tulay ay dapat mauna sa ginagawa nang Skyway Stage 3 project.
Ayon naman kay Bong Nebrija, Special Operations Task Group head, sinimulan na nila ang pagtatanggal ng mga sasakyang nakahambalang sa kalye at iba pang obstruksyon sa mga kalsadang magsisilbing alternatibong ruta para sa motoristang maapektuhan ng muling pagsasagawa ng tulay. Meanne Corvera