(Eagle News) — Patuloy pang nadaragdagan ang bilang ng mga nabiktima ng paputok, tatlong araw bago ang pagsalubong sa bagong taon.
Sa pinakabagong datos ng Department of Health, aabot na sa apatnapu (40) ang naitalang firework-related injuries buhat nang magsimula ang monitoring at surveillance mula sa animnapong ospital sa bansa.
Sa nasabing bilang, walo ang nadagdag kung saan karamihan ay nagmula sa calabarzon region.
Habang nanatiling dalawa ang kaso ng pagkalunok ng paputok.
Ayon sa DOH, maituturing pa rin mababa ang kaso ngayon kung ikukumpara sa mga kaparehong panahon noong 2017.
Nakatulong umano ang executive order ng Pangulong Rodrigo Duterte na nagbabawal sa pagbebenta ng ibat ibang iligal na uri ng paputok maging ang pagtatakda ng firecracker zones sa bawat barangay sa mababang bilang ng mga nasaktan.
Sa Jose Reyes Memorial Medical Center sa Maynila, nakahanda na ang mga staff at pasilidad bilang bahagi ng code white alert ng DOH.
Nakalabas na rin ang mga materyales na gagamitin sa mga mabibiktima lalo na sa mga pasaway na masasabugan ng mga ipinagbabawal na uri ng paputok.
Dalawa pa lang na kaso ng paputok at stray bullet ang naitala sa JRMMC.
Umaasa sila na hindi na lolobo pa ang bilang ng casualties sa paputok bagamat inaasahan na maaaring lumubo pa rin ang bilang ng mga maisusugod sa pagamutan sa bisperas hanggang sa matapos ang bagong taon.
Kaya paulit-ulit ang paalala sa mga nagbabalak na gumamit ng paputok na umiwas na sa nakagawiang pagsalubong ng bagong taon.
Sinabi naman ng DOH na kung sakaling maputukan ng paputok, hugasan agad ng malinis na tubig ang apektadong bahagi ng katawan, balutan ng malinis na tela, huwag maglalagay ng anumang ointment o toothpaste sa sugat at magtungo agad sa malapit na pagamutan.
Abiso rin na laging ilayo sa mga bata ang mga paputok lalot may panganib kapag nalunok ang pulbura o anumang bahagi nito.
Kapag nakaranas ng firecracker-ingestion, mainam na huwag nang painumin ng gatas o ng puti ng itlog at agad dalhin ang biktima sa ospital. (Eagle News Service Jerold Tagbo)