3 holdaper patay sa police operation sa Quezon City

(Eagle News)- Patay ang tatlong holdaper matapos silang manlaban umano sa mga otoridad sa kahabaan ng C.P. Garcia, Quezon City kaninang madaling araw.

Nasakote ng mga pulis ang tatlong suspek sa  hot pursuit operation nang hindi huminto ang tinangay nila umanong taxi na minamaneho ni Henry Camarines sa isang interseksyon sa U.P.

Ayon sa taxi driver, sumakay ang tatlo na di pa nakikilala sa may Commonwealth Ave. bandang ala-una ng madaling araw, ngunit pagdating sa lokasyon kung saan nagpahatid ang mga suspek ay bigla nila siyang tinutukan ng baril.

“Pinababa nila ako doon, tinangay nila ‘yung pera ko saka tinangay ‘yung taxi. Nanginginig buong katawan ko kanina,” pagsasalaysay ng driver.

Dito napag-alaman ng mga otoridad na ang kanila palang hinahabol ay ang nakaw na taxi na nauna nang naireport sa kanila.

“Hinabol ng mga pulis natin hanggang ma-corner sila sa area na ito at hinarangan nga nung isang mobile natin kaya natigil ‘yung taxi,” pahayag ni PSSupt. Crizaldo Nieves.

Ayon pa kay Nieves, isa pang complainant ang lumitaw na di umano’y biktima rin ng tatlong holdaper.

“Sa katunayan nga mayroon pa tayong isang complainant dito, hinoldap naman siya noong May 9 sa area ng Tandang Sora saka narecover ang kotse niya sa BF road,” dagdag pa nito.

Pagkatapos ng engkwentro ay narekober sa mga suspek ang isang kalibre 38 na baril at ang nakaw na taxi. Earlo Bringas

Related Post

This website uses cookies.