Video ng pagbiyahe ng LRT na bukas ang pinto, viral sa social media

MANILA, Philippines (Eagle News) — Viral ngayon sa social media ang video ng pagbiyahe ng Light Rail Transit habang bukas ang isang pinto nito.

Sa uploaded video ni Jason Ibe sa kaniyang Facebook account, makikita na tuloy-tuloy lang ang biyahe ng LRT kahit bukas ang pinto sa bahagi ng Vito Cruz Station at Quirino Station, kagabi, Nobyembre 29.

Tila relaxed at balewala lang sa ilang pasahero sa harap ng panganib ng nakabukas na pinto ng LRT.

Paliwanag naman ng pamunuan ng LRT, bagamat depektibo na ang naturang pinto pinilit umano ng hindi nakilalang pasahero na buksan ito.

Hindi na nahuli pa ang nasabing pasahero at nakababa rin daw agad ito pagdating sa Quirino station.

Humingi na ng paumanhin ang Light Rail Transit Authority (LRTA) sa nangyari at nakumpuni na ang bukas na pinto.