Transmitter ng MOPRECO, pinasabog ng mga hinihinalang miyembro ng NPA


BONDOC, Mountain Province (Eagle News) – Pinasabog ng hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) ang Headcor Tapping Point ng Mountain Province Electric Cooperative (MOPRECO) sa Sitio Lukong, Otucan Norte, Bauko Martes ng gabi.

Nagresulta ito ng malawakang pagkawala ng suplay ng kuryente sa buong lalawigan kasama ang bayan ng Quirino at Cervantes ng Ilocos Sur.

Ayon sa inisyal na ulat, bandang 10:00 ng gabi nang pasukin ang sub-station ng MOPRECO ng walong hinihinalang miyembro ng NPA.

Pawang armado ang mga nanloob ng matataas na kalibre ng baril.

Tinutukan nila ang dalawang guwardiya na naka-duty, at gumamit  ng hinihinalang improvised explosive device upang magpasabog.

Pagkatapos ay agad silang tumakas patungo sa Madepdepas, Data, Sabangan, dala ang dalawang guwardiya na kinalaunan ay agad naman nilang pinakawalan.

Charles Nidoy – Eagle news Correspondent