Trabahador, patay matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Pagadian City

Ang biktimang si Jovanie Ajo Babawi na binaril at napatay ng hindi pa nakikilalang mga suspek /Pagadian PNP/

Ni Ferdinand C. Libor Jr.
Eagle News Service

PAGADIAN CITY, Zamboanga del Sur (Eagle News) – Patay ang isang laborer matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Pagadian noong Huwebes, ika-18 ng Enero.

Kinilala ang biktimang si Jovanie Ajo Babawi, 29, residente sa Purok Hiniusa, Brgy. Lumbia.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, binabaybay ng biktima gamit ang kaniyang motorsiklo ang Dablo Street, sa Purok Bagong Silang, Brgy. Sta. Lucia, nang tumapat ang isa pang motorsiklo at pinagbabaril siya ng mga tao na sakay nito bandang alas 7 ng gabi.

Kahit may tama na ang biktima ay sinubukan pa nitong tumakas ngunit sa hindi kalayuan ay natumba rin ito.

Tama ng bala sa ulo at leeg ang naging dahilan ng kaniyang agarang kamatayan.

Agad namang tumakas ang mga suspek sa hindi pa matukoy na lugar.

Kabilang sa nakuha sa crime scene ay dalawang basyo ng kalibre .45 baril.

Inaalam pa ng Pagadian-PNP ang motibo sa nasabing pamamaslang.