Tatlong pulis naaktuhang natutulog ni NCRPO Chief Eleazar

(Eagle News) — Muling nag-ikot sa nakalipas na magdamag sa mga istasyon ng pulis sa Metro Manila si National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Guillermo Eleazar.

Sa pag-iikot ni Eleazar, tatlong pulis ang nadatnan niyang natutulog sa mga binabantayang istasyon ng pulisya.

Kabilang dito ang desk officer sa PCP-2 ng Novaliches Police Station.

Sarado ang PCP nang dumating si Eleazar pero dahil glass door o gawa sa salamin ang pintuan, kita sa labas na nakasubsob sa lamesa ang desk officer.

Nang madinig ang katok, nagmamadaling tumayo ang pulis at binuksan ang pintuan.

Maliban sa tatlong pulis na naaktuhang tulog, may mga nadatnan din si Eleazar na mga pulis na hindi naka-uniporme kahit naka-duty.

Tiniyak ng NCRPO Chief na mapapatawan ng karampatang parusa ang mga lumabag na pulis.