Sumilon Island, pansamantalang isasara para sa coastal clean-up

Ni Nelson Lubao
Eagle News Service

OSLOB, Cebu (Eagle News) – Pansamantalang isasara ng halos isang linggo ang isla ng Sumilon upang linisin ang mga dumi nito.

Ayon sa lokal na pamahalaan ng Oslob, dapat lamang na bigyan ng panahon ang paglilinis dito bago pa ito matulad sa naging problema ng Boracay Island.

Bagamat dinarayo ng mga turista, kapansin-pansin naman ang mga naiipong mga dumi na lumulutang sa tubig.

Unang nakilala ang Oslob dahil sa whale shark o butanding na pwedeng makita sa lugar, at pwede pang sabayan sa paglangoy.

Sa hindi kalayuan ng whale watching area, matatagpuan naman ang nakamamanghang Tumalog Falls. Sa ibaba ng falls ay may libreng foot spa, mula sa mga maliliit na isdang naghihintay sa mga lumulusong na mga paa.

Mula sa Tumalog Falls ay kailangan lang ng sandaling biyahe para marating ang istasyon ng mga bangkang maghahatid naman sa Sumilon Island.

Halos dalawang minuto lamang na paglalakbay ay mamamalas na ang mala-Boracay na isla dahil sa halos pulbos na buhangin sa tabing dagat at sa napakalinaw na tubig dito. Ang pagkakaiba lamang ay walang mga nakatayong commercial establishment sa nasabing isla na talagang nakalaan lamang para sa mga gustong mag-swimming, snorkeling, o magtungo sa diving area.

 

https://www.youtube.com/watch?v=QTDhEP0YIdU&feature=youtu.be