Sugatang dolphin, natagpuan sa isang resort sa Morong, Bataan

(Eagle News) — Isang sugatang dolphin o lumba-lumba ang nakita sa baybaying dagat ng Playa La Caleta Resort sa bayan ng Morong lalawigan ng Bataan.

Ayon sa management ng resort nakita ito ng isa nilang guest dakong alas sais ng umaga (6:00 AM) nitong Huwebes, Enero 10.

Sinubukang maibalik ito ng mga bantay-dagat ng Bagac at Morong ngunit pilit daw itong bumabalik sa baybayin.

Kaya napilitan na silang itawag ito sa kinauukulan.

Nagsanib-pwersa naman ang iba’t-ibang ahensya gaya ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Department of Environment and Natural Resources-Bataan, American Marine Biologist, Ocean Adventure Doctor, Philippine Nationalo Police-Morong, Provincial Government Environment And Natural Resources o PGENRO, bantay dagat, Provincial Veterinarian Office at Philippine Coast Guard para mailigtas, gamutin at malaman ang sanhi ng mga sugat ng dolphin.

Ayon kay DENR Bataan Wildlife Division Chief Mila Ramirez ang lalaking dolphin ay may edad na at may sukat itong halos walong pulgada. May mga sugat ito sa bahaging buntot at katawan.

Dinala ang dolphin sa ocean adventure sa Subic Bay Zambales para gamutin. (Eagle News Bataan Bureau Josie Martinez)