Schedule ng operasyon ng MRT, binago


Photo courtesy of Ivan Caballero Villegas

(Eagle News) — Binago na ng pamunuan ng MRT 3 ang schedule ng operasyon at biyahe ng kanilang mga tren simula ngayong araw.

Ito ay para bigyang daan ang mahabang oras ng pagsusuri at maintenance ng kanilang mga bagon bago ito ibiyahe.

Ang nasabing hakbang ay kasunod ng nangyaring paghiwalay ng isang bagon mula sa ibang bahagi ng tren kahapon ng umaga, Huwebes.

Ang nasabing bagon ay naiwan sa pagitan ng Ayala at Buendia station habang patuloy na papalayo ang unahang bahagi ng tren.

Dahil dito ay naglakad ang mga pasahero sa riles patungong Ayala.

Ayon naman sa Department of Transportation (DOTr) nasa 130 hanggang 140 ang mga pasaherong naapektuhan.

Wala namang naiulat na nasaktan sa nasabing insidente.

Sinimulan na ang bagong oras ng biyahe ng MRT kaninang 5:30 ng umaga mula sa dating 4:30 ng umaga, habang ang last trip ay alas 10:30 na ng gabi mula sa dating alas 11 ng gabi.

Humingi na rin ng paumanhin ang pamunuan ng MRT sa mga commuter dahil sa mga serye ng aberyang nangyayari at tinitiyak nila sa publiko na lahat ng paraan ay gagawin nila para mapaayos ang kanilang serbisyo at biyahe ng mga commuter.