Roxas, Palawan, zero casualty sa pagdaan ng bagyong Agaton

ROXAS, Palawan (Eagle News) — Ipinagmalaki ng pinuno ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Council (MDRRMC)-Roxas, Palawan ang zero casualty sa pagdaan ng bagyong Agaton nitong nakalipas na araw sa bayan.

Ayon kay MDRRMC Officer Jerry Alili, bagaman hindi sentro ng bagyo ang tumama sa naturang munisipyo ay nakaranas pa rin ng malakas na hangin at ulan ang lahat ng mga barangay, dahilan upang makaranas ng matinding pagbaha sa lugar.

Bukod pa dito, winasak din ang maraming mga bangka sa baybayin ng Roxas.

Maging ang seawall sa Brgy. Rizal ay nagiba rin ng malalaking mga alon.

Sa ngayon pinag-aaralan na ng lokal na pamahalaan ang maibibigay na ayuda sa mga naapektuhan ng naturang bagyo.

Samantala, ipinagmalaki rin ni Alili ang kooperasyon ng mga residente sa lugar, tuwing may paparating na bagyo at tumutupad kaagad sa pre-emptive evacuation ang mga residente.

Bukod dito, plano ng MDRRMC head na magsagawa pa ng mga training sa mga barangay ng Roxas, upang mabigyan o maturuan ang lahat ng kaalaman kung ano ang gagawin tuwing may sama ng panahon na papasok sa lugar.

Anne Ramos, Eagle News Service