Red October ouster plot, tuluyan na umanong nalusaw

Ni Mar Gabriel
Eagle News Service

(Eagle News) — Kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police na tuluyan nang nalusaw ang “Red October ouster plot” ng rebeldeng grupong New People’s Army.

Ayon kay AFP Chief of Staff Gen. Carlito Galvez, wala nang kakayanan ang rebeldeng grupo na maglunsad ng malawakang pag-atake dahil sa maramihang pagsuko ng mga miyembro nito.

Naaresto rin umano ng AFP sa operasyon ang limang matataas na lider ng NPA sa pangunguna ni Edilberto Silva na syang head ng national organization department ng NPA.

Nakatulong din aniya ang inilunsad na awareness campaign ng AFP kaya napigilan ang isinasagawang recruitment sa mga paaralan at unibersidad.

Gayunpaman, patuloy na magsasagawa ng monitoring ang AFP at PNP para mapigilan ang anumang posibleng panibagong plano ng mga rebelde.

Samantala, inatasan na ni PNP Chief Oscar Albayalde ang kanyang mga regional at provincial director na palakasin ang seguridad sa mga kampo at istasyon ng pulis sa kanilang nasasakupan mula sa posibleng pag-atake ng mga rebelde.

https://youtu.be/kozTGttyiI8