Suspek sa masaker sa Bulacan, nakasuhan na

SAN JOSE DEL MONTE CITY, Bulacan (Eagle News) – Nasampahan na ng kaso ang suspek sa pagmasaker sa isang pamilya sa San Jose Del Monte City, Bulacan.

Ayon kay San Jose Del Monte City Police Acting Chief Police Supt. Fitz Macariola, kasong murder at rape ang isinampa laban sa suspek na si Carmelino Ybañez, 26-anyos, isang construction worker.

Aniya, ang pag-amin mismo ng suspek ang naging batayan para sa reklamo ng rape, samantalang ang naging salaysay ng isang witness na nakakita umano kay Ybañez na lumabas ng bahay ng mga biktima na duguan ang naging batayan sa pagsampa sa kaniya ng kasong murder.

Isinailalim na sa drug test si Ybañez matapos nitong aminin na gumamit siya ng droga kaya nagawa niya ang pagpatay sa tatlong menor de edad, at ang pagpatay at panghahalay sa maybahay ni Dexter Carlos na si Estrella, at sa kaniyang ina na si Auring.

Batay pa sa naging salaysay ni Ybañez, mayroong dalawa pang sangkot sa krimen.

Humingi naman ng paumanhin ang suspek nang magkaharap sila ng padre de pamilyang si Carlos.

Leonardo Bautista – Eagle News Service