Lima katao sugatan sa pagsabog sa Cotabato

CARMEN, North Cotabato (Eagle News) – Sugatan ang limang tao sa nangyaring pagsabog sa North Cotabato kamakailan.

Nakilala ang mga biktima na sina David Orteza, Joel Aragon, Henry Nobleza, Darwin Ortiz at Armando Aquino.

Ang mga biktima ay pawang residente ng Purok 2, Brgy. General Luna, Carmen, North Cotabato.

Ayon sa ulat ng pulisya, kumakain ang mga biktima kasama si Barangay Kapitan Renato Ortiz sa isang kubo sa gilid ng national highway sa nasabing lugar nang bigla silang hagisan ng granada ng mga hindi kilalang suspek.

Sa lakas ng pagsabog, tinamaan ang limang tao habang nakaligtas naman si Ortiz.

Ang mga suspek ay mabilis na tumakas lulan ng motorsiklo, habang ang mga biktima ay agad dinala sa isang pagamutan.

https://www.youtube.com/watch?v=ZSqS_2bPBb8&feature=youtu.be