Enchanted River muling binuksan sa mga turista

HINATUAN, Surigao del Sur (Eagle News) – Muling binuksan sa mga turista ang kilalang Enchanted River ng Surigao del Sur. Sa kasalukuyan ay mas magagandang amenities at kulay asul na tubig ang bubungad sa mga turistang dadayo sa kilalang tourist spot.

Mahigit din sa isang buwan na pansamantalang isinara ng Lokal na Pamahalaan ng Hinatuan sa publiko ang Enchanted River. Ito ay upang isaayos ang amenities nito at makapagpahinga din ang ilog sa mga turista.

Sa kasalukuyan ay nagdagdag sila ng mga sumusunod:

  • Comfort Rooms
  • Open Shower
  • Dining Hall
  • Vendors Hall
  • Holding Area
  • Malapad na Parking Area
  • Mahaba at malawak na swimming area

Mahigpit na ipinagbabawal ang paliligo sa mismong pinakapusod ng ilog. Viewing area na lamang ito dahil natitipak ang mga maliit na bato sa paligid ng ilog na bumabara sa daluyan ng fresh water na nanggagaling sa ilalim.

Naglagay din ng swimming area na may sampung metro ang layo mula sa pusod ng ilog upang mapanatili ang malakas na agos ng tubig. Inilipat din ang oras ng fish feeding time mula sa dating 12:oo ng tanghali ay inilipat ito ng 3:oo ng hapon. Mas mag-e-enjoy ng mga turista ngayon dahil  sa malamig at mala-crystal na tubig mula sa ilog.

Issay Daylisan – EBC Correspondent, Hinatuan, Surigao del Sur