Calaguas Island kabilang sa nominado sa ‘Choose Philippines Awards for Best Destination’ category

VINZONS, Camarines Norte (Eagle News) – Muli na namang mapapalaban ang Camarines Norte sa usapin ng turismo sa bansa. Dahil kabilang ang Calaguas Island ng Vinzons, Camarines Norte sa limang nominado sa Choose Philippines Awards for Best Destination category sa sub-category na Island and Beaches.

Katunggali ng Calaguas Island sa nasabing award ang mga tanyag na dinadayo ng mga turista, tulad ng Boracay Island ng Aklan, El Nido ng Palawan, Bantayan Island ng Cebu at Caramoan Island ng Camarines Sur.

Isinasagawa ang kompetisyon sa pamamagitan ng on-line-voting. Natapos na ang botohan nitong Nobyembre 8, 2016 para sa nasabing kompetisyon at sa Nobyembre 22, 2016 ay gaganapin ang awarding.

Sa Bicol Region, ang Calaguas Island ang isa sa mga pinakadinadayo ng mga turista Pilipino man o dayuhan. Minsan na ring nanalo bilang pinakamagandang tourist destination sa bansa ang Calaguas Island.

Orlando Encinares – EBC Correspondent