2 bata, patay sa sunog sa Lipa, Batangas

LIPA, BATANGAS (Eagle News) —  Dalawang bata ang namatay nang tupukin ng apoy ang tinatayang nasa sampung bahay sa Lipa, Batangas, nitong nakaraan.

Kinilala ang mga biktima na sina Xander,  apat na taong gulang, at Divon Lalucis, tatlong taong gulang.

Hinihinalang natrap ang magpinsan sa kanilang bahay dahil sa mabilis na pagkalat ng apoy na nagsimula sa di pa matukoy na bahay sa Barangay Dos, alas 11:40 ng umaga.

Ayon sa mga nakasaksi, napakabilis ng pagkalat ng apoy sa kabila ng mainit na panahon at malakas na hangin.

Itinaas sa ika-apat na alarma ang naturang sunog, na kinailangang pagtulong tulongan ng Lipa Fire Department, mga bumbero sa kalapit bayan, at ng mga helicopter ng Philippine Air Force na galing sa San Fernando Air Base.

Ala 1:40 ng hapon nang maideklarang fire out ang lugar.

Sa kasalukuyan ay nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad sa pinagmulan ng sunog, maging sa kabuuang naging pinsala nito.