Provincial bus terminals sa Metro Manila, planong alisin ng MMDA

QUEZON CITY, Philippines (Eagle News) — Pinaabisuhan na ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Danilo Lim na maghanda dahil planong alisin na ang mga provincial bus terminal sa loob ng Metro Manila upang maibsan ang problema sa daloy ng trapiko.

Isa ito sa mga pangunahing tinalakay sa pagpupulong ng Metro Manila Council na dinaluhan ng mga alkalde at representante mula sa 17 bayan sa Metro Manila sa tanggapan ng MMDA kahapon, Agosto 23.

Prospective site na paglilipatan ng provincial buses, pinamamadali

Isa sa umaapela sa Department of Transportation (DOTr) si Quezon City Mayor Herbert Bautista na madaliin na ang pag-aproba sa mga prospective site na gagawing terminal para paglilipatan ng mga provincial bus.

Umaaray na raw kasi sa dulot na perwisyo sa traffic ang publiko, dahil may mga bus na  ginagamit na daanan ang mga secondary at mga barangay road sa Quezon City.

Bukod dito, hindi akma ang kalsada sa mga malalaking sasakyan.

Giit pa ng alkalde na sana raw ay aprubahan na ang panukalang emergency power ng Pangulo para mabilis na matugunan ang problema sa trapiko sa Metro Manila.

Seguridad at trapiko

Tinalakay rin ang ipatutupad na seguridad at traffic scheme sa gaganaping Association of Southeast Asian Nations Summit sa Nobyembre.

Ang pagkakaroon ng unified penalty sa pinatutupad na single at unified ticketing system sa mga lumalabag sa batas trapiko sa buong Metro Manila.

Hanggang ngayon kasi magkakaiba pa rin ang ipinapataw na halaga sa mga traffic violator sa bawat siyudad.

Pinag-aaralan rin ang pagkakaroon ng emergency lane para sa mga emergency vehicles pero hindi pa pinal kung anung partikular na lane ang mamarkahan.

Hindi rin pinalagpas ng MMDA na umapela sa mga Local Government Unit (LGs) at sa buong resedente ng Metro Manila na maging responsable sa pagtatapon ng basura dahil napakalaking problema pa rin ito sa tuwing panahon ng tag ulan. Bumabara sa mga drainage ang mga ito na syang nagiging sanhi ng mga pagbaha at nakakaapekto rin sa trapiko tuwing tag-ulan.

(Eagle News Service Gerald Rañez)