Presyuhan ng iligal na droga sa bansa, muli na namang tumaas – PDEA

Nasa labingtatlong informants ang pinarangalan ng PDEA sa naging kontribusyon ng mga ito sa isinasagawang Operation: Private Eye na nakatulong sa pagkakumpiska ng iligal na droga at pagkakaaresto sa ilang drug suspek. (Photo by Eagle News Service Mar Gabriel)

(Eagle News) — Mula sa isang libong piso kada gramo, umakyat na raw ulit sa dalawa hanggang tatlong libong piso kada gramo ang bentahan ngayon ng iligal na droga sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa.

Ito ang lumabas sa panibagong test buy na isinagawa ng Philippine Drug Enforcement Agency.

Nitong mga nakalipas na buwan, bumagsak ang presyo ng shabu dahil umano sa nakapuslit na bilyong pisong halaga ng iligal na droga sa Bureau of Customs.

“Tumataas na naman. So most likely ang assessment ng PDEA medyo nauubos na yung supply sa drugs sa market,” pahayag ni PDEA Director Gen. Aaron Aquino.

Samantala, bukod sa shabu, mahigpit na binabantayan ng PDEA ay ang bentahan ng party drugs ngayong Disyembre.

Kadalasan daw kasing tumataas ang bentahan ng party drugs tuwing holiday season.

Kasama daw sa tutukan nila ay ang mga high-end-bars, condominium at mga hotel.

“I assume there will be an increase in consumption. Especially, left and right ang mga party ngayon and hindi titigil ang PDEA to go around the metropolis to find out and check if these are being used especially on rave parties,” pahayag ni Aquino.

Sa kabilang dako, muli namang hinikayat ng PDEA ang publiko na makipagtulungan sa kanila sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon ukol sa bentahan ng iligal na droga.

Samantala, ngayon araw, Disyembre 11, aabot sa mahigit tatlong milyong pisong reward sa ilalim ng “Operation: Private Eye” ang ipinagkaloob ng PDEA sa 13 informants na nakatulong sa pagkakumpiska ng iligal na droga at pagkakaaresto sa ilang drug suspek.

Aabot naman sa 2.3 milyong piso ang tinanggap ng ilang operating unit ng PDEA sa kanilang naging malalaking accomplishment.

https://youtu.be/9Jx2gLR2yBc